
Palalakasin at palalawakin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga parenting lessons bilang tugon sa naganap na school shooting sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor de edad.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mahalagang tutukan ang “preventive side” ng insidente sa halip na puro tugon lamang matapos mangyari ang karahasan.
Giit niya, ang mga magulang ang pangunahing guro ng mga bata kaya dapat palakasin ang mga programang tumutulong sa tamang paggabay sa pagpapalaki ng anak.
Bilang bahagi ng hakbang, paiigtingin ng ahensya ang mga umiiral na parenting initiatives tulad ng Family Welfare Program at ang Magulang Para sa Pag-Unlad ng Bata (MaPangBata) module sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Layunin ng mga programang ito na turuan ang mga magulang sa pagbibigay ng emosyonal na suporta, tamang disiplina, at positibong pagpapalaki sa mga anak.
Matatandaang tatlong kabataan ang nasawi at mahigit 20 ang nasugatan sa insidente sa isang paaralan sa Brgy. San Jose, Tacloban City, na kinasangkutan ng dalawang menor de edad na umano’y bumaril sa mga estudyante.
Sinabi ng DSWD na plano nitong i-improve pa ang mga module upang mas mapalakas ang ugnayan ng pamilya at maiwasan ang mga ganitong uri ng karahasan sa hinaharap.










