Magdaragdag ng mga guidance counselor ang Department of Education (DepEd) bilang bahagi ng hakbang upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan sa gitna ng mga naitalang insidente ng krimen na kinasasangkutan ng ilang menor de edad.

Ayon kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma, mahalaga ang papel ng school counselors bilang unang interbensyon upang matulungan ang mga estudyante na mailabas ang kanilang saloobin at mental health concerns.

Paliwanag niya, sa pamamagitan ng mas bukas na komunikasyon at counseling, maaaring maiwasan ang paglala ng emosyon na nauuwi sa karahasan.

Dagdag ng opisyal, layunin ng hakbang na palakasin ang suporta sa mga mag-aaral upang maagapan ang mga posibleng banta ng violence sa loob ng mga paaralan.