Nahaharap sa kasong homicide ang isang lalaki na nanaga sa dating kasintahan ng kanyang anak na babae sa bayan ng Amulung, Cagayan.
Sinabi ni PMAJ Jose Cabaddu, hepe ng Amulung Police Station, agad silang pumunta sa Barangay Marabbob, pinakadulong barangay sa nasabing bayan nang may tumawag sa kanila sa pamamagitan ng 911 tungkol sa nasabing insidente.
Nadatnan nila sa lugar ang lalaki, 35-anyos na duguan at nakahandusay, na agad na dinala sa pagamutan, subalit idineklara siyang dead on arrival.
Ayon kay Cabaddu, batay sa kanilang imbestigayon, ala-una ng madaling araw noong Sept. 28 nang maramdaman ng suspek na may pilit na nagbubukas sa kanilang mga bintana at pintuan.
Dahil dito, lumabas ang suspek, bitbit ang itak at dumaan sa kanilang kusina para tignan kung sino ang tao sa labas ng kanilang bahay.
Dahil umano sa pagkabigla, tinaga ng suspek ang biktima sa kanyang leeg na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Sumuko naman ang suspek sa barangay tanod.
Sinabi ni Cabaddu na sa salaysay ng suspek, hindi niya kilala ang lalaki, at nagulat siya dahil sa inakalang may balak itong masama dahil sa madaling araw nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Cabaddu, sa kanilang follow-up investigation, nalaman nila na naging kasintahan ng anak na babae, 30-anyos ng suspek ang lalaki.
Nalaman nila na nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng babae at lalaki sa Iguig Police Station noong Sept. 27 dahil sa kagustuhan ng babae na maghiwalay na sila dahil sa lagi na umano silang nag-aaway.
Sa katunayan may insidente sa isang lamay sa Santa Barbara, Iguig kung saan nakatira ang babae na nanggulo umano ang lalaki.
Nagkaroon ng kasulatan ang dalawa na maghihiwalay na sila at hindi na guguluhin ng lalaki ang babae.
Subalit noong madaling araw ng Sept. 28 ay pumunta ang lalaki sa bahay ng mga magulang ng babae, sa pag-aakalang naroon ang babae na sa araw na iyon, siya ay nasa Brgy. Anquiray.
Sinabi ng suspek na hindi niya kilala ang lalaki dahil hindi siya ipinakilala sa kanya ng kanyang anak.