Patay ang isang 58-anyos na landlord sa pagkakabagok ng kanyang ulo matapos suntukin ng isang tenant na kanyang pinutulan ng suplay ng kuryente sa bayan ng Aparri, Cagayan.

Nasawi habang ginagamot sa pagamutan ang biktimang si Irineo Ancheta, negosyante at residente ng Centro 11 sa nabanggit na bayan.

Kinilala naman ang nadakip na suspek na si Eugene Gumarang, 24-anyos ng Centro 6.

Ayon kay PMSGt Jupiter Paguirigan ng PNP-Aparri, dakong alas 5:00 ng madaling araw nang pinutol ng biktima ang kuryente sa kanyang paupahang-bahay na ikinagalit naman ng suspek at dahilan ng kanilang pagtatalo.

Batay sa mga saksi, inunahan lamang umano ng suntok ng suspek ang biktima ng tatlong beses nang akmang susuntukin niya ito na dahilan ng kanyang pagkatumba at mabagok ang ulo sa semento.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na papaalisin na sana kinabukasan ng landlord sa kanyang boarding house ang suspek at live-in partner nito sa hindi pa matukoy na dahilan.