Iniimbestigahan na ang misteryosong pagkamatay ng Hollywood actor na si Gene Hackman, 95, kanyang asawa na si Betsy Arakawa, 65, at ang kanilang aso sa kanilang tahanan sa Santa Fe, New Mexico.
Ayon sa Santa Fe County Sheriff, nadiskubre ang wala nang buhay na mag-asawa noong Miyerkules sa isinagawang welfare check.
Nakasaad sa search warrant affidavit, na walang senyales kung paano sila namatay.
Subalit kahina-hinala ang kanilang pagkamatay na nangangailangan ng malalimang imbestigasyon.
Ayon sa Sheriff, batay sa initial autopsy findings, walang nakita na external trauma sa dalawa, at inaalam pa ang sanhi ng kanilang pagkamatay.
Idinagdag pa ng Sheriff na hinihintay na nila ang resulta ng carbon monoxide at toxicology tests sa mag-asawa.
Nakita ang bangkay ng Academy Award-winning actor sa sahig ng kanilang mud room na may senyales na siya ay biglang natumba.
Natagpuan naman ang labi ni Arakawa sa sahig sa banyo, at sa tabi nito ay may nakitang space heater, at naaagnas na rin ang bangkay.
Sa isang lamesa na malapit kay Arakawa ay nakita ang nabuksan na prescription bottle at nagkalat na mga gamot.
Patay din ang isang German shepherd na nakita 10 hanggang 15 talampakan ang layo mula kay Arakawa.
Walang nakita ang Santa Fe Fire Department ng posibleng tagas ng carbon monoxide o pagkalasonmna posibleng dahilan ng kanilang pagkamatay.
Idinagdag pa ng Sheriff na walang indikasyon na may nangyaring krimen at may maraming rason kung bakit nakabukas ang pintuan ng mag-asawa.