Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Kalayaan, Palawan na bahagi ng kanilang nasasakupan ang Ayungin Shoal kasabay ng pagkondena sa pananakit ng China Coast Guard sa mga Pilipinong sundalo sa BRP Sierra Madre.

Sa pahayag ng LGU, sinabi nitong iligal at nakapananakot ang presensya ng mga barko ng China sa lugar at inakusahan ang Beijing na tila nananatili pa rin sa “Imperial Era” dahil sa paggamit umano nito ng dahas sa halip na diplomasya.

Nagpahayag din ng suporta ang Kalayaan LGU sa hakbang ng pambansang pamahalaan na tutulan ang insidente at nanawagan ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.