
Naghain si Senador Erwin Tulfo ng panukalang batas na magbibigay ng libreng board, bar at civil service examinations para sa mga kwalipikadong indigent o mahihirap na aplikante.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o Free Professional Examinations Act, layunin nitong alisin ang bayarin sa mga pagsusulit upang mabigyan ng mas malaking pagkakataon ang mga nagtapos na makakuha ng lisensya at makapagtrabaho sa kanilang propesyon.
Saklaw ng panukala ang mga licensure examination ng Professional Regulation Commission (PRC), civil service examinations ng Civil Service Commission (CSC), at Bar Examinations.
Upang makinabang sa programa, kinakailangang magsumite ng certificate of indigency mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang kapalit ng examination fees.
Ayon kay Tulfo, maraming Pilipino ang hindi nakakakuha ng propesyonal na lisensya dahil sa kakulangan sa pondo, kaya napipilitang magtrabaho agad kahit hindi tugma sa kanilang pinag-aralan.
Sa ilalim ng panukala, maaaring makapag-avail ng libreng pagsusulit ang isang kwalipikadong aplikante isang beses kada taon.










