
Arestado ang isang hinihinalang lider ng gang sa Nueva Vizcaya na inuugnay sa kaguluhan noong 2025 Trillion Peso March dahil sa hiwalay na kasong robbery at homicide.
Kinilala ang suspek na si Alyas Primo, na sinasabing namumuno sa Temple Street Gang na sangkot umano sa pag-uudyok ng kaguluhan sa nasabing protesta. Ayon sa NCR Police Office, wala pang ebidensyang nagpapatunay na nasa mismong lugar siya ng insidente, ngunit bilang lider ay pinaniniwalaang may kaalaman sa mga nangyari.
Nilinaw ng pulisya na ang pag-aresto sa suspek ay batay sa warrant para sa kasong robbery with intimidation at homicide, at hindi direktang kaugnay ng protesta.
Labindalawang taon umanong nagtago ang suspek bago nadakip sa Guimba, Nueva Ecija. Nasa kustodiya na siya ng mga awtoridad habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang posibleng koneksyon niya sa Trillion Peso March riots.








