Nagkasundo ang Pilipinas at Iceland sa isang initial air services agreement na inaasahang magpapalawak ng flight connectivity at magpapadali sa biyahe ng mga pasahero at kargamento sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon sa Department of Transportation o DOTr, maaaring magkaroon ang bawat bansa ng hanggang pitong flight kada linggo, o katumbas ng isang flight bawat araw, para sa passenger at cargo services.

Nilagdaan ang kasunduan matapos ang air negotiation talks ng Pilipinas at Iceland noong Agosto 18 at 19 sa Reykjavik, Iceland.

Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng mas malaking flexibility ang mga airline ng dalawang bansa na magtatag at magpalawak ng air services batay sa demand at commercial viability.

Inaasahan ding makatutulong ang kasunduan sa pagpapalakas ng turismo, kalakalan, pamumuhunan at people-to-people exchanges sa pagitan ng Pilipinas at Iceland.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, magsisilbing pundasyon ang kasunduan sa pagpapalawak ng air transportation relationship ng dalawang bansa at pagbubukas ng mga bagong oportunidad para sa kanilang mga airline.