Hihiling ang Department of Transportation (DOTr) sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP) na magpatupad ng moratorium sa pagbabayad ng interest ng mga pautang na kinuha ng mga transport cooperative para sa pagbili ng mga modernong jeepney.

Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, layunin nitong mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga operator sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Aniya, makatutulong ang hakbang upang maibsan ang kanilang gastos nang hindi kinakailangang magtaas ng pasahe.

Kasabay nito, pinag-aaralan din ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapalawak ng P10 kada litro na fuel discount program para sa mga PUV operator at driver.

Sa halip na agad aprubahan ang petisyon sa taas-pasahe, sinabi ni Lopez na mas nais ng pamahalaan na palakasin ang fuel subsidy upang maprotektahan ang mga commuter at makatulong na mapanatiling mababa ang inflation.

-- ADVERTISEMENT --