Kumbinsido ang pamilya ng isang 78-anyos na lola na nasawi ito sa pagkalunod nang madiskubre ang bangkay nito sa sapa na malapit sa kanilang bahay sa Brgy Annaguan, Rizal, Cagayan.

Ayon kay PEMS Ariel Simon ng PNP-Rizal, dakong alas-8:00 ng umaga nitong Biyernes, July 26, natagpuan ng kanyang apo ang biktimang si Felipa Bambalan na nakalutang sa sapa at wala nang buhay.

Sa salaysay ng kanyang apo sa pulisya, Huwebes nang gabi nang uminom pa ng nakalalasing na inumin ang biktima at kinaumagahan ay napansin na wala na ito sa kanilang bahay.

Pinaniniwalaan namang nasa tatlong oras nang nakababad sa tubig ang matanda bago ito natagpuan ng kanyang pamilya.

Napag-alaman din na may alzheimer’s disease o pagka-ulyanin na ang biktima at posibleng aksidente itong nadulas sa bahagi ng sapa na nasa 300 metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Wala namang nakikitang foul play ang pulisya sa pagkamatay ng matanda.