Patay ang isang lola matapos maipit nang banggain ng isang pick-up habang pababa ito mula sa sinakyang elf truck sa Brgy. Nasipping, Gattaran, Cagayan.
Batay sa imbestigasyon ng Gattaran Municipal Police Station, galing umano sa outing ang elf truck na minaneho ni Alyas Gab, nasa hustong gulang at residente sa lalawigan ng Isabela.
Pumarada ang elf sa gilid ng daan sa tapat ng isang establishment para bumili sana ng pasalubong habang pumunta naman sa palikuran ang mga sakay nito.
Habang pababa sa elf truck ang biktimang si Alyas Sol, 68-anyos at residente ng Benito Soliven, binangga ito ng isang pick-up na minaneho ng kinilalang si alyas Rod, 49-anyos, residente ng Isabela ang nakaparadang sasakyan na nagresulta sa pagkakaipit ng lola.
Ayon sa suspek, bago ang pagbangga sa elf-truck ay may iniwasan umano siya na isang lola na papatawid sa kalsada, subalit kasunod ng kanyang pag-iwas ay hindi na niya nakontrol ang preno dahil sa bahagyang mabilis na patakbo.
Dahil dito, nabangga niya ang likurang bahagi ng elf-truck.
Sa lakas ng impact ng pagbangga, nabali ang paa ng biktima at nagtamo din siya ng maraming sugat sa kanyang katawan, na idineklarang dead on arrival sa pagamutan.