Trahedya ang sinapit ng isang mag-asawa matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Brgy. Patong, Magsingal, Ilocos Sur kahapon ng umaga, Agosto 9.

Ayon sa ulat ng pulisya, nasawi ang 32-anyos na guro at ang kanyang 33-anyos na mister, habang milagrosong hindi nasaktan ang kanilang 9-anyos na anak na kasama nila sa tricycle.

Batay sa imbestigasyon, binabaybay ng pamilya ang barangay road patungong kanluran sakay ng tricycle nang biglang pagbabarilin sila ng suspek na nakasuot ng bonete.

Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang salarin sa hindi pa natutukoy na direksyon.

Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-asawa.

-- ADVERTISEMENT --

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang lalaki, habang ang ginang ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa mga awtoridad, bago mawalan ng malay ang babaeng biktima, nabanggit pa nito kung sino ang bumaril sa kanila.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 5.56 at cal. 45. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente.