TUGUEGARAO CITY-Dalawa ang namatay sa pananalasa ng tropical depression Obet sa lalawigan ng Cagayan.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng PDRRMO na ang mga nasawi ay mag-asawa na mula sa bayan ng Abulug.

Ayon kay Rapsing na pumalaot ang mag-asawa noong October 20 ng umaga para mangisda at iniulat na nawawala ng gabi at natagpuan ang kanilang mga bangkay ng umaga ng Otober 21 sa dalampasigan ng Sanchez Mira.

Kaugnay nito, sinabi ni PMAJ Jeorge Jacob, hepe ng PNP Sanchez Mira na unang nakita ng isang mangingisda ang lalaki sa Brgy. Masisit habang nakita naman ang bangkay ng kanyang asawa sa kalapit na barangay.

Ayon kay Jacob, mismong ang anak ng mag-asawa ang kumilala sa kanyang mga magulang.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Jacob, hindi na nakita ang bangka ng mag-asawa.

Samantala, nasa 2, 000 pamilya o mahigit 6, 000 indibidwal ang muling naapektuhan at isinailalim sa pre-emptive evacuation sa limang bayan sa Cagayan dahil kay bagyong Obet.

Ayon kay Rapsing, wala naman gaanong inaasahang epekto ang naturang bagyo dahil minimal lamang ang dala nitong ulan kung ikukumpara nagdaang bagyong Maymay at Neneng.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit P474M ang halaga ng pinsala ng bagyong Neneng sa lalawigan.

Pinakamalaking napinsala ang sektor ng agkrikultura na nakapagtala ng mahigit P431M, sinundan ng imprastruktura sa P39-M at mahigit P4M sa livestock.

Umabot naman sa 49 na kabahayan ang totally damaged habang 62 ang partially damaged mula sa mga bayan ng Claveria, Sanchez Mira, Sta Praxedes, Calayan at Pamplona.