Sugatan ang magbilas sa pananaga ng kanilang bayaw na kagigising lamang sa bayan ng Peñablanca, Cagayan.
Kritikal ngayon sa pagamutan ang biktimang si George Ramirez ng Brgy Lapi, Peñablanca habang nakalabas na sa pagamutan ang isa pang biktima na si Marlon Bacunot ng San Miguel, Baggao.
Ayon kay Lt Juliet Quinagoran ng PNP-Peñablanca, nakatulog umano ang suspek na si Joseph Bugatan, 32-anyos, magsasaka ng Brgy Lapi matapos makipag-inuman sa kanyang mga bayaw na namasyal sa kanyang bahay.
Subalit nang itoy gisingin ng kanyang asawa ay bigla na lamang nitong pinagtataga ang dalawang biktima sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan, gamit ang kanyang itak.
Katwiran ng suspek, naalimpungatan lamang daw ito dahil sa tila ay nakita niyang minomolestya ng isa sa dalawang biktima ang kanyang asawa.
Sa ngayon ay naisampa na ang kasong frustrated murder laban sa suspek.