Nakatakdang bumisita sa Pilipinas si United States Undersecretary of State for Economic Affairs Jacob Helberg mula Mayo 17 hanggang 21 bilang bahagi ng pagpapalakas ng kooperasyon sa teknolohiya, ekonomiya, at artificial intelligence o AI sa ilalim ng Pax Silica Declaration.

Nilagdaan ng Pilipinas at Estados Unidos ang kasunduan noong Abril upang bumuo ng ligtas, matatag, at makabagong technology ecosystem kasama ang mga bansang katuwang ng Amerika.

Ayon sa US Department of State, makikipagpulong si Helberg sa mga opisyal ng gobyerno, pribadong sektor, at iba pang stakeholders kaugnay ng mga proyektong nakapaloob sa nasabing inisyatiba.

Bibisitahin din niya ang planong kauna-unahang industrial hub na layong palakasin ang produksyon ng mahahalagang materyales at iba pang pangunahing sangkap para sa global supply chains. Inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa pagpapaunlad ng Luzon Economic Corridor.

Sinabi ng US State Department na sumasalamin ang pagbisita ni Helberg sa lumalawak na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos sa larangan ng economic security, advanced technology, at supply chain resilience sa gitna ng tumitinding kompetisyon sa industriya ng teknolohiya.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos ang kanyang pagbisita sa Pilipinas, tutungo si Helberg sa Singapore upang pangunahan ang U.S.-ASEAN AI Ministerial Roundtable kasama ang mga kinatawan mula sa ASEAN member states at pribadong sektor.

Bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng Estados Unidos ng economic at technology engagement nito sa Indo-Pacific region, partikular sa mga kaalyado at partner nito sa ASEAN.