Umabot na sa 209 reklamo kaugnay ng mga flood control project sa bansa ang kasalukuyang sumasailalim sa fact-finding investigation ng Office of the Ombudsman sa unang kalahati ng 2026.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, mahigit doble ito kumpara sa 124 reklamo na inimbestigahan noong 2025.

Sa nasabing bilang noong nakaraang taon, 36 na kaso ang umusad sa preliminary investigation at administrative adjudication.

Sinabi ni Remulla na apat na kaso na rin ang naisampa sa korte kaugnay ng mga alegadong iregularidad sa mga flood control project.

Binigyang-diin ng Ombudsman na layunin ng mga imbestigasyon na tiyakin ang pananagutan, transparency, at wastong paggamit ng pondo ng bayan sa mga proyektong pang-imprastraktura.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi naman ni Deputy Ombudsman Jose Balmeo na maaaring makatulong ang regional cooperation sa Southeast Asia upang mapabilis ang posibleng pag-freeze ng mga ari-arian ng mga indibidwal na mapatutunayang sangkot sa mga anomalya.

Ayon sa mga opisyal, patuloy ang pagsisikap ng Ombudsman na palakasin ang tiwala ng publiko sa mga institusyong nagpapatupad ng pananagutan at mabuting pamamahala.