
Ibinaba ng Sandiganbayan Fifth Division si dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa botong 2-1, sinabi ng mga mahistrado na saklaw ng prosecutorial discretion ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino ang maaaring gamitin bilang state witness.
Hiniling ng Ombudsman na alisin si Bonoan sa kaso matapos siyang pumayag na makipagtulungan sa imbestigasyon upang matukoy ang sistemang nasa likod ng umano’y kickback scheme.
Si Bonoan ay dating kapwa akusado ni Senator Jinggoy Estrada at tatlo pang iba sa kasong isinampa ng Ombudsman noong Mayo dahil sa umano’y pagsasabwatan upang makalikom ng mahigit P500 milyon na kickback mula sa mga flood control project.
Samantala, nakatakda sa Setyembre 3 ang arraignment ni Estrada.










