
Naniniwala si House prosecutor Rep. Joel Chua na mananatiling tatalima sa kanilang sinumpaang tungkulin ang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging pahayag ni Chua matapos tanungin tungkol sa ilang senador na tila ipinagtatanggol o “lawyering” para kay Duterte habang isinasagawa ang paglilitis.
Ayon kay Chua, hindi pa dapat agad husgahan ang mga senador batay lamang sa kanilang mga tanong sa pagdinig dahil maaari pa ring magkaiba ang kanilang magiging boto sa huli.
Aniya, dapat bigyan ng pagkakataon ang mga senator-judge na ipakita ang kanilang pagiging patas at political neutrality sa proseso.
Samantala, sinabi ni Chua na tinitingnan pa ng prosekusyon kung hihilingin nila ang pag-inhibit ng ilang senator-judge na kinukuwestiyon ang pagiging impartial sa paglilitis.










