
Epektibo na ngayong Martes ang ipinatupad ng mga kumpanya ng langis na malaking rollback sa presyo ng diesel na aabot sa P12.94 kada litro.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang bagong price adjustment ay epektibo mula Abril 28 hanggang Mayo 4, 2026.
Dahil sa rollback, inaasahang bababa ang presyo ng diesel sa pagitan ng P75.93 hanggang P101.96 kada litro, depende sa lugar at brand ng gasoline station.
Mas malaki rin ang ibinabang presyo ng kerosene na nasa P15.71 kada litro.
Gayunman, kabaligtaran naman ang magiging galaw ng gasolina kung saan magkakaroon ng dagdag-presyo. Para sa Research Octane Number (RON) 97, tataas ito ng P0.53 kada litro, kaya’t inaasahang aabot sa P79.79 hanggang P104.93 kada litro ang retail price nito.
Ayon sa Department of Energy, ito na ang ikatlong sunod na linggong rollback sa diesel matapos ang pagbabago sa pandaigdigang supply kasunod ng kasunduan ng tigil-putukan sa pagitan ng U.S.-Israel at Iran.
Matatandaang mula Pebrero 28, sunod-sunod na taas-presyo sa produktong petrolyo ang ipinatupad dahil sa digmaan sa Gitnang Silangan na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.










