
Hinimok ni Manila 3rd District Representative Joel Chua ang mga oil company na magbigay ng rebate para sa mga fuel stocks na nabili bago sumiklab ang tensyon sa Middle East, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon kay Chua, nagtatanong ang publiko kung bakit umaabot sa mataas na ‘war-time levels’ ang presyo sa mga gasolinahan kahit ang langis ay maaaring binili bago pa ang krisis.
Binanggit niya na malinaw na dapat makakita ang mamimili ng mas makatarungan at transparent na sistema sa pagpepresyo ng petrolyo.
Aniya, mahalaga ang patas na pagpepresyo upang hindi masyadong mabigatan ang mga ordinaryong mamamayan at transport sector, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng pandaigdigang krisis sa langis.
Nanawagan si Chua sa mga kumpanya ng langis na isaalang-alang ang kalagayan ng publiko at magbigay ng kaukulang rebate sa pre-conflict stocks.










