Inihayag ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi pa kailangan ang mandatory repatriation sa gitna ng kasalukuyang kaguluhan sa pagitan ng Iran at Israel.
Sinabi ni Marcos na nasa pagpapasiya ng mga pamilya kung gusto nilang mailikas.
Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na sinusubaybayan ng pamahalaan ang lahat ng Pinoy sa Israel at Iran.
Kaugnay nito, patungo na si Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa Jordan para pangunahan ang evacuation ng mga apektadong mga Filipino.
Sinabi ni Marcos na maraming ruta ang tinutukoy para sa evacuation ng mga Pinoy na nais nang umuwi ng bansa dahil halos lahat ng mga paliparan ay sarado.
Samantala, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. na babalik na sa bansa sa Sabado ng umaga ang Filipino delegation na stranded sa Israel.
Sinabi ni Tiu Laurel na ginawa nila ang lahat ng options para sa ligtas na paglikas sa grupo, kabilang ang posibleng exit routes sa pamamagitan ng Egypt.
Ayon kay Laurel, nagtungo sa Israel ang delegasyon para sa official mission nang sumiklab ang kaguluhan.