TUGEUGARAO CITY-Hindi na nakapasok sa trabaho ang isang karpintero matapos mabagok ang ulo at bawian ng buhay nang banggain ang kanyang sinakyang motorsiklo sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.
Ayon kay Police Staff Romuel Legazpi ng PNP-Sta Ana, papasok sa trabaho ang biktima na si Rudyvin Ragasa, 37-anyos, residente ng Brgy San vicente lulan ng kanyang motorsiklo nang banggain siya ng sasakyang sumusunod sakanya.
Batay sa salaysay ng suspek sa kapulisan na si Yang Guang, 25-anyos, isang Chinese National na kasalukuyang nagtatrabaho sa nasabing bayan, hindi niya napansin ang sinusundang motorsiklo na sanhi ng pagkabangga.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang biktima at nabagok ang ulo sa sasakyan ng suspek na agad namang dinala sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.
Nabatid na nakasuot ng helmet ang biktima ngunit hindi umano ito nakalock kung kaya’t natanggal din ito kasabay ng kanyang pagkatumba.
Samantala, nagkasundo na ang magkabilang panig na sasagutin ng Chinese National ang mga gastusin sa pagpapalibing sa biktima.