Kulong ang isang mangingisda matapos na makuhanan ng mga iligal na droga, bala, at baril sa Barangay Larion Bajo, Tuguegarao City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Jonathan, 28-anyos, may asawa, at residente sa nasabing lugar.
Ayon sa pulisya, ang pagkakadakip sa suspek ay matapos ang matagumapay na implementasyon ng search warrant na inilabas ng korte kung saan isinilbi ito sa tinutuluyan nitong bahay.
Sa isinagawang imbentaryo ng mga awtoridad, kasama sa mga nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ay ang isang itim na sling bag na naglalaman ng limang sachet ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, isang calibre 38 revolver na baril na may tatlong bala.
Nahaharap sa patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of the Philippines ang nasabing suspek.