Humingi ng paumanhin si Senador Rodante Marcoleta sa mga mamamahayag matapos niyang tawagin ang ilang miyembro ng media bilang “paid hacks,” pahayag na agad umani ng matinding batikos mula sa press organizations at ilang opisyal ng pamahalaan.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Marcoleta na pinagsisisihan niya ang naging pananalita.

“Pasensiya na po kung ako ay nakapagsalita nang ganoon. I did not mean it,” ani ng senador.

Gayunman, iginiit niya na nag-ugat ang kanyang pahayag sa umano’y pagkadismaya sa mabagal na pag-usad ng imbestigasyon sa flood control anomalies at sa hindi pagbanggit sa kanya sa ilang ulat ng media hinggil sa Iglesia ni Cristo rally noong Enero 2025.

Ayon sa senador, isa siya sa apat na tagapagsalita sa naturang pagtitipon ngunit hindi umano siya naisama sa ilang artikulong inilathala ng kabuuang 11 mamamahayag.

-- ADVERTISEMENT --

“How come 11 reporters did not see me or hear me as though I did not exist?” aniya.

Samantala, mariing kinondena ng mga organisasyon ng media ang pahayag, na tinawag itong “irresponsible” at “reckless attack” laban sa mga mamamahayag.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang Presidential Task Force on Media Security, na nagsabing ang ganitong uri ng generalisasyon ay maaaring makasira sa kredibilidad ng media at magdulot ng panganib sa mga mamamahayag.

Sa gitna ng isyu, ipinagtanggol ni Senador JV Ejercito ang hanay ng media at sinabing hindi makatarungan ang akusasyong binabayaran ang mga mamamahayag.

Giit pa niya, sisiguraduhin umano niyang mapangangalagaan sa Senado ang kalayaan at integridad ng mga reporter na nagko-cover sa institusyon.