
Nakibahagi ang national government sa Muslim community sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr, na hudyat ng pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan na may panibagong panawagan para sa pagkakaisa, pananampalataya at kapayapaan.
Nanguna si Special Assistant to the President Anton Lagdameo, Jr. sa paghahatid ng mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng pakikiisa sa Bangsamoro at sa lahat ng Muslim communities sa buong bansa.
Ipinunto ni Lagdameo ang katatagan at debosyon ng Muslim Ummah, binigyang-diin na ang kanilang disiplina at sakripisyo sa panahon ng Ramadan ay nagsisilbing inspirasyon para sa lahat ng Filipino
Nanawagan din siya sa mga komunidad na patuloy na magtulungan sa pagsusulong ng kapayapaan, kaunlaran at paggalang sa isa’t isa, lalo na sa mga lugar na nagsisikap makamit ang pangmatagalang katatagan.
Sa naunang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng malasakit, disiplina at espirituwal na pagninilay, at binanggit na ang mga aral ng Ramadan ay dapat magsilbing gabay sa mga Filipino sa pagbuo ng mas inklusibo at may pagkakaisang bansa.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang Eid’l Fitr ay hindi lamang isang pagdiriwang kundi isa ring paalala ng sama-samang pananagutan sa pagpapalalim ng pag-unawa sa iba’t ibang kultura at pananampalataya sa buong bansa.
Ang pagdiriwang ng Eid’l Fitr, isa sa pinakamahalagang okasyon sa Islam, ay sumasagisag sa pasasalamat, pagkakawanggawa at panibagong debosyon, habang ginugunita ng mga Muslim sa buong mundo ang pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno, panalangin, at pagninilay.










