
Inanunsyo ng Department of Education na tataas ang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng mga pampublikong paaralan sa 2026 upang mapabuti ang mga kagamitan at matugunan ang tumataas na gastusin.
Ayon kay Secretary of Education Sonny Angara, ipinapakita ng dagdag-pondo ang prayoridad ng administrasyon ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kapakanan ng mga paaralan at mag-aaral.
Tumaas ang MOOE kada estudyante sa elementarya mula P2,140 noong 2025 sa P2,792 sa 2026. Sa junior high school, umakyat ito mula P2,201 sa P2,631, habang sa senior high school ay mula P2,784 sa P3,264.
Gagamit na rin ang DepEd ng mas pinasimpleng paraan ng paglalaan ng pondo upang mas mapabilis at maging patas ang distribusyon nito sa mga paaralan.
Para sa 2026, umabot sa P1.015 trilyon ang kabuuang budget ng DepEd, ang pinakamalaki sa kasaysayan, at unang pagkakataon na naabot ng bansa ang pamantayan ng UNESCO na 4% ng GDP ay nakalaan sa edukasyon.










