
Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng mas malalim at komprehensibong imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects, sa halip na umasa lamang sa paunang ulat ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Cayetano, hindi sapat ang partial report kung hindi nito nasasaklaw ang buong isyu. May posibilidad din daw na malimitahan ang imbestigasyon kung ang magiging basehan lamang ay ang draft report na hindi pa pinal at hindi pa rin pirmado ng ilang senador.
Giit niya, mas mahalagang tukuyin ang ugat ng problema kaysa magmadali sa konklusyon.
Inamin din ng senador na may ilang bahagi ng ulat na kailangan pang linawin at pag-aralan, kaya hindi pa ito ganap na tapos. Dagdag niya, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at inaasahan pa ang karagdagang testimonya at ebidensya.
Pinuna rin niya ang unang pag-label na “ghost projects” sa lahat ng proyekto, na ayon sa kanya ay hindi pala lahat totoo.
Para kay Cayetano, kailangan munang makita ang kabuuang konteksto bago makabuo ng final na konklusyon sa isyu.









