Posible umanong inatake ng sakit na epilepsy ang dahilan ng pagkahulog sa motorized bangka ng isang binatilyo sa Cagayan river na sakop ng Brgy Carallangan sa bayan ng Alcala, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si John Mark Costales, 16-anyos, motor banca operator at residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Jeffrey Aresta ng MDRRMO-Alcala, sakay ang biktima sa bangka, kasama ang tatlong pasahero at isang kasamahan nito na patungong Carallangan.

Habang nasa gitna ng ilog ay sinumpong aniya ng pangingisay ang biktima na dulot ng sakit niyang epilepsy at nahulog sa tubig na tinatayang nasa 20 metro ang lalim.

Ngayong araw ng Sabado ay ipagpapatuloy ang paghahanap sa katawan ng biktima kung saan malaking hamon sa paghahanap ang napakalakas na agos ng tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na kababalik pa lamang ng biktima sa naturang bayan subalit matagal na umano na aniya siyang operator ng bangka.

Nanawagan naman si Aresta na agad ipagbigay alam sa mga otoridad o tumawag sa MDRRMO hotline sa 0997-8031353 sakaling makita ang katawan ng biktima na nakasuot ng kulay orange na sweat shirt.