Patuloy ang panawagan ng hustisya ng mga naulilang pamilya matapos ang pamamaril sa San Jose National High School na ikinamatay ng tatlong mag-aaral.

Kinilala ang mga nasawi na sina Joyancee Separa, Chris Lorenz Fabian, at Ayessa Nicole Dazo, pawang mga high school students. Dalawa pang menor de edad na suspek ang tinutukoy na nasa likod ng insidente.

Ibinahagi ng mga kaanak ang matinding pagdadalamhati at panawagan na papanagutin hindi lamang ang mga suspek kundi pati ang mga guardian ng mga ito.

Ayon sa ina ni Joyancee, humihingi siya ng hustisya at paliwanag sa trahedya na aniya ay hindi na mababawi ang buhay ng kanyang anak.

Ibinahagi naman ng pamilya ni Chris Lorenz ang naging kabayanihan nito matapos umanong isara ang pinto ng silid-aralan upang mapigilan ang pamamaril, na sinasabing nakapagligtas pa ng ibang estudyante.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, ang 14-anyos na si Ayessa Nicole ay nakita pa sa video na inaalalayan palabas ng paaralan matapos masapol ng bala, ngunit hindi rin nakaligtas.

Iginiit ng pamilya ng mga biktima na hindi simpleng kaso ng bullying ang insidente dahil sa dami ng putok at lawak ng tinamaan ng mga estudyante.

Sinabi ng mga awtoridad na patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaril, habang nanawagan ang lokal na pamahalaan ng maingat na pagbusisi sa kaso at pag-iwas sa espekulasyon.