TUGUEGARAO CITY – Naghain ng panukalang ordinansa si Board Member Mila Catabay Lauigan ukol sa pagbabawal na magpapasok ng mga menor de edad sa mga motels at hotels sa lalawigan ng Cagayan.
Ipinaliwanag ni Lauigan na ang kanyang panukala ay bunsod ng obserbasyon na napa-accessible sa mga kabataan ang mga nasabing establishimento.
Sinabi niya na layunin nito na mapigilan ang mga kabataan na masangkot sa sexual activities na maaaring gawin sa mga motels o hotels.
Naniniwala siya na sa pamamagitan nito ay maiiwasan din ang teenage pregnancy at hindi mapariwara ang mga kabataan sa halip ay matutukan ang kanilang pag-aaral para sa mas magandang kinabukasan.
Sinabi ni Lauigan na sa ilalim ng panukalang ordinansa, mapapatawan ng anim na buwan na pagkakabilanggo at multa na P5, 000 ang mga mapapatunayan na motel o hotel owner at staff na nagpapasok sa mga kabataan sa kanilang establishimento.
Bukod dito, sinabi ni Lauigan na maging ang mga magulang ay mapapanagot din kung mapatunayan ang kapabayaan sa kanyang anak kung saan ay maaari siyang magmulta at sasailalim sa counseling ng Provincial Welfare and Development.
Para sa mga kabataan na pumasok sa motel o hotel ay isasailalim sila ng PSWDO sa diversion proceedings na angkop sa kanilang edad.
May exemptions naman sa nasabing panukala na maaaring pumasok ang isang menor de edad kung kasama ang kanyang mga magulang at malalapit na kamag-anak at kung may school activities subalit kailangan ang sertipikasyon mula sa kanilang paaralan.
Sinabi ni Lauigan na masusi pang pinag-aaralan ang nasabing panukalang ordinansa.
Ayon sa kanya, pagkatapos nito ay magkakaroon ng public hearing kung saan ay tatawagin din ang mga miembro ng Association of Motel/Hotel Owners.