
Natuklasan at narekober ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army ang maraming uri ng baril at bala sa bayan ng Baggao at Lasam, Cagayan, matapos ang mga ulat at pakikiisa ng mga residente.
Ayon kay Lieutenant Colonel Alfred Sagario, commanding officer ng 17th IB, tinatayang nasa tatlo hanggang apat na taon nang nakatago ang mga armas na pag-aari ng dating Komiteng Rehiyon Cagayan Valley na dati nang nabuwag.
Sinabi ni Sagario na magkakasunod na natuklasan ang mga armas sa tulong ng mga residente kung saan ang una ay nakita sa Asinga Via, Baggao habang isa ang nagsuko ng armas at may isa rin nagturo sa kinaroroonan ng mga iba pang armas sa Sicalao, Lasam.
Kabilang sa mga nakumpiska ay shotgun, rifle, revolver, pistol, mga bala at pampasabog.
Aniya, ang ilan sa mga armas ay gumagana pa habang ang iba ay maaari pang kumpunihin na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng militar at nakatakdang isuko sa kapulisan.
Sinabi ni Sagario na ang tagumpay ng operasyon ay iniuugnay sa suporta ng komunidad na nagnanais ng kapayapaan at pagtatapos ng armadong labanan.
Patuloy naman ang pagbabantay ng mga otoridad at pagpapatupad ng mga programa tulad ng tulong pinansyal at kabuhayan para sa mga rebeldeng nagnanais magbalik-loob, upang mapanatili ang matatag na kapayapaan sa buong probinsya.










