
Nakabalik na sa Pilipinas ang ilang Pilipinong seafarer na kabilang sa mga crew member ng isang cruise ship na dinakip ng US Customs and Border Protection (CBP) matapos dumaong ang barko sa San Diego, California noong nakaraang linggo.
Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa Los Angeles na kabilang ang mga Pilipino sa mga pansamantalang pinigil ng mga awtoridad ng Amerika.
Batay sa ulat, ikinagulat ng ilang pasahero sa cruise ship ang insidente matapos masaksihan ang pagdakip sa isang Pilipinong crew member na nagsilbi sa kanila habang nasa biyahe.
Sa video na ibinahagi sa GMA News, makikitang naka-posas ang ilang seafarer habang binabantayan ng mga federal agent bago isinakay sa isang puting van.
Ayon sa isang pasahero na humiling na huwag pangalanan, pauwi na sana sa Pilipinas ang naturang Pilipinong crew member para sa isang buwang bakasyon nang mangyari ang insidente.
Hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang US authorities hinggil sa dahilan ng pagdetine sa mga crew member.










