TUGUEGARAO CITY- Walang nasugatan sa nangyaring palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at armadong grupo sa Brngy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan kagabi.
Sinabi ni Pcapt. Marilou Pichay, patungo ang mga pulis sa nasabing barangay para magsagawa ng validation sa report na may mga armadong grupo sa lugar.
Subalit habang patungo ang mga ito sa Sitio Karayatan ay napansin ng kanilang intel operatives na sakay ng motorsiklo ang ilang armadong grupo.
Dahil dito, bumaba sa kanilang mga sasakyan ang mga pulis na napansin din umano ng nasa 20 armadong grupo.
Dito na umano nagpapaputok ng baril ang armadong grupo kaya gumanti naman ang mga pulis.
Sinabi ni Pichay na habang nagpapaputok ng baril ay tumatakas ang armadong grupo.
Wala namang nasugatan sa panig ng mga pulis maging sa armadong grupo.
Kaugnay nito, sinabi ni Pichay na napadaan lang umano ang nasabing grupo sa nasabing lugar.