
Nanawagan ang minority bloc sa Senado ng masusing imbestigasyon kaugnay ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senado kasabay ng pagtatangkang ipatupad ang warrant of arrest ng International Criminal Court laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Naghain si Senator Bam Aquino ng resolusyon upang alamin ang ugat ng insidente, kung may nalabag na protocols, at kung nagkaroon ng miscommunication sa mga otoridad.
Ayon kay Aquino, maraming empleyado umano ng Senado ang natakot at inakalang malalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa mga putok ng baril.
Nanawagan din si Senator Raffy Tulfo ng isang transparent na imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan at maibalik umano sa normal ang operasyon ng Senado.
Samantala, itinanggi ni Senator Panfilo Lacson ang paratang na maaga umanong umalis ang minority senators dahil may nalalaman sila sa posibleng kaguluhan.
Iginiit naman ni Senator Risa Hontiveros na walang basehan ang mga akusasyon at hindi ito naaayon sa dignidad ng mga senador.
Batay sa ulat, umalis umano si dela Rosa sa Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw sakay ng SUV na minamaneho ni Senator Robin Padilla.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy ang kinaroroonan ni dela Rosa.










