
Nasa ospital pa rin sa Thailand si Miss Universe Jamaica Dr. Gabrielle “Gabby” Henry matapos siyang mahulog sa entablado sa naturang pageant na ginanap sa nasabing bansa kamakailan.
Sa Instagram, sinabi ng pageant na kailangang manatili si Gabby sa Intensive Care Unit (ICU) nang hindi bababa sa pitong araw.
Kasama niya ang kaniyang kapatid na si Dr. Phylicia Henry-Samuels at ang kanilang ina na si Maureen Henry.
Nanawagan ang Miss Universe Jamaica Organization sa mga Jamaican at pageant fans na ipagdasal si Gabby.
Hiniling din nila sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng negatibong komento, maling impormasyon, o espekulasyon na maaaring magdulot pa ng dagdag na stress sa pamilya.
Nahulog si Gabby mula sa main stage sa evening gown portion ng preliminary competition at kinailangan siyang ilabas gamit ang stretcher at agad na isinugod sa ospital.






