Natagpuan na ang nawawalang FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force kaninang umaga sa Mt. Kalatungan, Bukidnon, kung saan dalawa ang kumpirmadong nasawi, ayon sa Armed Forces of the Philippines’ Eastern Mindanao Command (Eastmincom).

Sinabi ni Eastmincom commander Lieutenant General Luis Rex Bergante, nakita ang aircraft kaninang 11:00 a.m. na sakay ang dalawang piloto.

Ayon sa kanya, kasalukuyan nang ibinababa ng tropa ang mga labi ng mga piloto at maging ang aircraft.

Matatandaan na iniulat ni PAF spokesperson Colonel Maria Consuelo Castillo na nawala ang nasabing fighter jet kahapon ng madaling araw sa kasagsagan ng tactical night operation bilang suporta sa ground troops.

Ito ay matapos na maputol ang komunikasyon sa pagitan ng mga piloto ng nasabing aircraft sa iba pang flights hanggang sa kanilang pagbabalik sa Mactan, Cebu.

-- ADVERTISEMENT --

Nawala ang nasabing fighter jet kasabay ng paghiling ng militar ng air strike para suportahan ang ground troops na nakikisagupa sa nasa 70 miyembro ng New People’s Army (NPA)sa Pantaron Mountain Range sa Bukidnon.

Sinabi ni Col. Antonio Duluan Jr., commander ng 403rd Infantry Brigade, Philippine Army, humingi sila ng suporta mula sa PAF upang mapahina ang depensa ng rebeldeng grupo na nagtipon malapit sa bayan ng Cabanglasan na nasa hangganan ng Agusan del Sur.

Ayon sa kanya, isinagawa ang air strikes sa pagitan ng 1 a.m. at 2 a.m. kahapon.