Hinuli ang isang 48-anyos na driver matapos umano nitong ikulong ang kanyang asawa at anak sa isang container truck sa loob ng tatlong araw sa Baseco, Manila.
Ayon sa Manila Police District (MPD), nag-away umano ang mag-asawa dahil sa matagal nang selosan.
Ikinulong umano ng lalaki ang kanyang asawa at tatlong taong gulang na anak na babae sa nakaparadang container truck sa Baseco area.
Pinalabas din ng suspek ang kanyang mag-ina at pinauwi sa Bulacan matapos ang tatlong araw.
Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang misis na magsumbong sa mga pulis.
Sinabi ng misis, na bago sila ikandado sa truck ay pisikal din siyang inaabuso ng mister.
Dahil dito, agad na inaresto ang suspek na ngayon ay nahaharap sa dalawang bilang ng serious illegal detention at paglabag sa Violence Against Women and their Children at Child Abuse.