
Tinanggihan ng pamahalaan ng Myanmar ang kahilingan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na makausap ng special envoy ng samahan ang dating State Counsellor Aung San Suu Kyi, na kasalukuyang nakakulong.
Ayon sa tagapagsalita ng Presidential Office ng Myanmar, nagsisilbi pa ng sentensiya si Suu Kyi kaya hindi siya maaaring makipagpulong sa mga internasyonal na kinatawan.
Aniya, maaari lamang itong pag-usapan kapag natapos na ng dating lider ang kanyang sentensiya.
Si Suu Kyi, 81-anyos at Nobel Peace Prize laureate, ay napatalsik sa puwesto matapos ang military coup noong 2021 na nagbunsod ng malawakang kaguluhan at digmaang sibil sa bansa.
Nauna nang hiniling ng Pilipinas, bilang kasalukuyang chair ng ASEAN, na mabigyan ng limitadong access ng special envoy ang dating lider bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng samahan na maisulong ang kapayapaan at diyalogo sa Myanmar.










