Huli ang isang lalaki na isang caretaker kagabi sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pengue, Tuguegarao City.

Sinabi ni PCAPT Rosemarie Taguiam, information officer ng Tuguegarao City Component Police Station, nagkasa ng operasyon ang mga pulis matapos na makumpirma na may itinatago at nagbebenta ng mga baril ang nasabing suspek.

Nakuha sa suspek ang isang unit ng m14, armalite rifle, isang 12 gauge shotgun, apat na magazine at maraming bala para sa iba’t ibang uri ng baril.

Nakuha din ang ginamit na P1,000 na totoong pera at 15 piraso ng boodle money na ginamit sa operasyon.

Sinabi ni Taguiam na minanmanan ng mga awtoridad ang suspek matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa isang informant na nagbebenta ito ng mga baril.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isang lalaki ang nahuli kaninang madaling araw sa Centro 9 Poblacion matapos na isilbi ng mga pulis ang search warrant.

Nakuha sa suspek ang tatlong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P6,800.

Sinabi ni Taguiam na walang trabaho ang nasabing suspek at residente sa nasabing barangay.