
Kinuwestiyon ng isang mambabatas ang Aleson Shipping Lines, ang may-ari ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, dahil sa umano’y pagla-lock sa mga life jacket, na naglalagay sa panganib ng mga pasahero.
Sa pagdinig ng House Transportation Committee hinggil sa insidente, tinanong ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo “Rodge” Gutierrez kung bakit naka-lock ang mga life jacket, at ipinaliwanag ng legal counsel ng kumpanya na ayon sa standard operating procedure, hindi dapat naka-lock ang mga ito.
Ayon sa isa sa mga nakaligtas, napilitan ang mga pasahero na puwersahin ang pagbukas ng mga cabinet kung saan nakalagay ang life jacket. May ilang life jacket din na nasira, may double knot, at walang whistle, kaya kinailangan ng pasahero na maging mapamaraan para magamit ang mga ito.
Binigyang-diin ng Department of Transportation na ang pag-lock sa mga life jacket ay paglabag sa safety standards para sa mga pasahero.
Ipinunto rin ng ilang mambabatas ang patuloy na pangyayari ng kaparehong sitwasyon sa nakaraang trahedya sa M/V Dona Paz noong 1987, at nanawagan ng pananagutan sa nangyari.
Lumubog ang M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatan malapit sa Pilas Island, Basilan noong Enero 26.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang pinakabagong tala ng nasawi ay 52, may 293 na nakaligtas, at 24 ang nawawala pa.
Patuloy ang search and rescue at dive operations sa mga waters malapit sa Baluk-Baluk Island.









