
Magpapatuloy ngayong araw ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pagharap ni NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, na inaasahang maglalahad ng resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, magsisilbing dugtong ang testimonya ni Lotoc sa naunang pagharap ni NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging awtentiko ng mga video recording at digital evidence kaugnay ng online press briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024.
Sa naturang online press conference, sinabi umano ni Duterte na mayroon siyang kinausap na tao upang patayin sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Romualdez sakaling may mangyari sa kanya. Inaasahang magbibigay si Lotoc ng kabuuang resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay sa naturang insidente.










