
Ipinunto ni Senate Minority Leader Alan Cayetano na bagamat maaaring magbago ang mga koalisyon sa Senado ay mananatiling matatag ang kanilang pananaw, prinsipyo at pangako sa Diyos at maging sa sambayanang Pilipino.
Ito ang naging pahayag ni Cayetano matapos ang naging paglipat ni Senador Mark Villar sa majority bloc at pagkabawas nila sa minorya.
Pero sa kabila nito, tiniyak naman niya na tutuparin pa rin nila bilang minority senators ang kanilang tungkulin na busisiin ang paggasta ng pamahalaan at ang konstruktibong oposisyon habang ipinagtatanggol ang karapatan ng bawat Pilipino alinsunod sa mga batas ng Diyos at batas ng tao.
Anya, mula noong Mayo 11, lalong naging malinaw sa kanya kung gaano kahalaga para sa administrasyong ito na mapanatili ang isang matatag na mayoryang kaalyado sa Senado.
Sa huli, habang patuloy umano silang nananalangin para sa bansa ay hangad nila ang kabutihan ni Senador Mark Villar at ng lahat ng kanilang mga kasamahang mambabatas.










