
Inirekomenda ng National Price Coordinating Council (NPCC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 60-araw na pagpapalawig ng ₱50 kada kilo na price cap sa imported rice.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), layunin ng rekomendasyon na mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas at matiyak ang sapat na suplay hanggang sa katapusan ng taon.
Batay sa monitoring ng ahensya, nasa ₱45 hanggang ₱50 kada kilo ang presyo ng imported rice, habang umaabot sa ₱58 kada kilo ang lokal na bigas.
Ipinakita rin ng datos ng DA na mas mataas ang rice imports sa unang kalahati ng taon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa mga opisyal, kinakailangan ito upang matiyak ang sapat na suplay sa gitna ng mataas na gastos sa produksyon at bantang dulot ng El Niño.
Gayunman, sinabi ng DA na pinag-aaralan din ang posibilidad na pansamantalang ihinto ang pag-aangkat ng bigas sa mga susunod na buwan kapag nagsimula na ang anihan sa Setyembre, depende sa dami ng lokal na ani.
Samantala, may ilang rice retailers na tutol sa pagpapalawig ng price cap dahil anila ay nahihirapan silang magbenta sa ilalim ng umiiral na limitasyon sa presyo.










