Tuguegarao City- Naghahanda pa rin ang mga otoridad sa lambak ng Cagayan kasabay ng posibleng pananalasa at epekto ng bagyong Rolly sa Rehiyon.
Sa panayam kay Francis Joseph Reyes ng Office of the Civil Defense Region 2, bagamat maayos ang sitwasyon ngayon sa iba’t ibang probinsya sa lambak ng Cagayan ay patuloy pa rin ang kanilang monitoring.
Ito ay upang matiyak ang kahandaan sa pagresponde anumang oras sakaling may mga dapat na ilikas mula sa mga flash flood at landslide prone areas.
Sinabi pa ni Reyes na binabantayan din ngayon ng mga otoridad ang mga coastal towns ng Isabela dahil sa malakas ang pag-alon ng karagatan at upang walang mga mangingisdang pumalaot.
Sa ngayon, walang mga evacuees ang nananatili sa mga nakatalagang evacuation centers sa rehiyon.
Samantala, nakahanda na rin ang mga rescue equipment ng Coastguard District North Eastern Luzon sa posibleng paghagupit ng bagyong Rolly at Tropical storm Siony na nasa loob na ng Philippine Area of responsibility.
Ayon kay Lt. Lana Rita Yap, chief of staff ng coastguard district north eastern luzon, nakaalerto na ang kanilang mga tauhan sa kanilang mga nasasakupang area kung saan nakahanda na ang mga kagamitan tulad ng rubber boat na magagamit sa pagrescue sa mga posibleng maaapektuhan ng bagyo.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Yap ang publiko lalo na ang mga mangingisda na iwasan muna ang pumalaot para makaiwas sa anumang insidente.