Humiling ang Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na maglabas ng precautionary hold departure order laban kina Senador Rodante Marcoleta at dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kasama ang dalawa pang negosyante.

Kaugnay ito ng rekomendasyon ng mga field investigator ng Ombudsman na sampahan sila ng kasong plunder at indirect bribery dahil sa umano’y ₱75 milyong campaign donation para sa kandidatura ni Marcoleta noong 2025 senatorial elections.

Kasama rin sa inirerekomendang kasuhan sina negosyanteng Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.

Batay sa dokumentong inilabas ng Sandiganbayan, nai-raffle na sa Seventh Division ng anti-graft court ang hiling ng Ombudsman ngayong Lunes, Mayo 25.

Ayon sa rekomendasyon ng mga prosecutor ng Ombudsman, maituturing umanong “gift” ang tinanggap na campaign donation ni Marcoleta sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon, na maaaring bumuo ng kasong plunder.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, wala pa umanong pinal na resolusyon ang Ombudsman para pormal na aprubahan ang rekomendasyon ng kanilang mga imbestigador.