Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong isinampa laban kay Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng paglilipat ng P60 bilyong pondo ng PhilHealth sa kaban ng bayan noong siya pa ang kalihim ng pananalapi.

Sa resolusyong may petsang Hunyo 2, sinabi ng Ombudsman na walang sapat na prima facie evidence upang sampahan ng kaso si Recto at dating PhilHealth president at chief executive officer na si Emmanuel Rufino Ledesma Jr..

Kabilang sa mga reklamong isinampa laban sa kanila ang plunder, technical malversation, graft, at grave misconduct.

Gayunman, ayon sa Ombudsman, walang sapat na batayan upang patunayang may masamang hangarin, katiwalian, o personal na pakinabang sa naging paglilipat ng pondo.

Binigyang-diin din ng ahensya na naibalik na ang P60 bilyon sa PhilHealth alinsunod sa utos ng Supreme Court of the Philippines, bagay na taliwas umano sa alegasyong nagkaroon ng personal na pakinabang ang mga opisyal.

-- ADVERTISEMENT --

Nag-ugat ang usapin sa pagpapatupad ng Department of Finance Circular No. 003-2024 na nag-aatas sa paglilipat ng bahagi ng sobrang reserve funds ng PhilHealth upang pondohan ang mga hindi nakaprogramang gastusin sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Tatlong beses na nakapaglipat ng kabuuang P60 bilyon ang PhilHealth bago ito ipahinto ng Korte Suprema at kalaunan ay ideklarang walang bisa.

Sa kanyang depensa, sinabi ni Recto na ginampanan lamang niya ang kanyang legal na tungkulin sa pagpapatupad ng batas at umasa siya sa mga legal na opinyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno bago isinagawa ang paglilipat ng pondo.