
Posible umanong umabot ng hanggang P15 kada litro ang itataas ng presyo ng diesel sa susunod na linggo, habang P12 naman kada litro sa gasolina, bunsod pa rin nang lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa ilang oil industry sources, base sa fuel prices sa global market sa nakalipas na dalawang araw, ang presyo ng diesel ay maaaring umakyat pa ng mula P13 hanggang P15 kada litro habang mula P10 hanggang P12 naman ang itataas sa gasolina kada litro.
Ang kerosene ay tinataya namang tataas din ng hanggang P6.
Gayunman, maaari pa umanong magbago ang naturang presyo, depende sa market price sa mga susunod na araw.
Una nang lumobo ang presyo ng mga produktong petrolyo nitong linggong ito, na ipinatupad lamang ng staggered o utay-utay ng mga kumpanya ng langis upang hindi biglaang maramdaman ng publiko.
Sinabi na rin naman ng Department of Energy (DOE) na inaasahan na nila ang panibagong big time oil price hike sa susunod na linggo ngunit hindi pa makapagbigay ng pinal na pagtaya dito.










