TUGUEGARAO CITY- Magbibigay ng P50, 000 na pabuya ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa bawat brick ng cocaine na ipapasakamay o isusuko sa mga otoridad.

Sinabi ito ni Governor Manuel Mamba dahil sa naniniwala siya mayroon pang bricks ng cocaine na maaaring kinuha at itinago ng ilang mga nakakuha nito.

Ayon kay Mamba, saka lamang ibibigay ang pabuya kung lalabas sa pagsusuri na tunay na cocaine ang ipapasakamay sa mga kinauukulan.

Matatandaan na unang nakuha ng dalawang mangingisda ang tatlong bricks ng cocaine sa dagat sa pagitan ng Abulug at Ballesteros at ipinasakamay sa mga otoridad at batay sa laboratory analysis ay nakumpirma na ito ay cocaine.

Sumunod namang nakuha ng mga otoridad ang dalawa pang bricks ng cocaine sa karagatan ng Fuga island, sa Aparri.

-- ADVERTISEMENT --

Ang kabuuang halaga ng mga nasabing cocaine ay mahigit P30m.

Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na makakasama na sa mabibigyan ng nasabing ayuda ang dalawang mangingisda na unang nakakuha ng tatlong bricks ng cocaine.