Tututukan ng House Committee on Appropriations ang edukasyon, healthcare at workforce upskilling sa panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027.

Ayon kay committee chairperson at Nueva Ecija Rep. Mika Suansing, maglalagay din ng mga safeguard upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo at matiyak na mapapakinabangan ng publiko ang bawat pisong mula sa buwis.

Ipagpapatuloy din ng Kamara ang mga reporma para sa transparency sa budget deliberations, kabilang ang livestreaming ng pagdinig at public access sa bicameral conference committee proceedings.

Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatuon ang panukalang budget sa edukasyon, healthcare, kabuhayan, national security at community empowerment.